KALIBO, Aklan – Unti-unti nang nararamdaman ng mga establishment owners sa isla ng Boracay ang epekto ng 2019 novel coronavirus (nCoV) scare.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Boyet Sacdalan, vice chairman ng Compliant Association of Boracay, nahihirapan nang bumangon ang sector ng turismo sa isla dahil sa sunod-sunod na insidente.
Hindi pa umano sila nakakabawi nang manalasa ang bagyong Ursula ay sinundan kaagad ito ng pagsabog ng bulkang Taal, kung saan nagkaroon ng ilang suspension ng flights.
Maliban dito, mas lalo pa aniyang nabawasan ang bilang ng mga turistang Chinese na bumibisita sa Boracay kasunod sa ipinatupad na travel restriction ng Chinese government sa loob ng kanilang bansa dahil sa nakamamatay na respiratory virus.
Karamihan na apektado ay ang mga Chinese restaurants dahil iilan na lamang ang mga pumapasok dito.
Kahit sinuspinde ang charter flights sa Wuhan, China mayroon pa namang mga individual travelers mula sa nasabing bansa.