-- Advertisements --

Mahigit isang buwan bago ang coronation ng Miss Universe ngayong taon, pormal nang inanunsyo ng Miss Universe Organization (MUO) na sa Estados Unidos gaganapin ang 68th Miss Universe.

Ito ay itinakda sa Disyembre 8, American time.

Nabatid na kabilang sa mga umugong para maging host country ng 68th Miss Universe ay ang United Arab Emirates at South Korea, ayon kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa panayam ng Bombo Radyo Vigan.

Magiging kinatawan ng bansa ang 23-year-old Fil-Palestinian model na si Gazini Ganados na tubong Zamboanga pero lumaki sa Cebu.

Noong nakaraang taon nang maibigay ng Bicolana beauty na si Catriona Magnayon Gray ang pang-apat na Miss Universe title sa Pilipinas matapos manguna sa coronation na ginanap sa Thailand.

Una nang inanunsyo ng MUO ang pagkakapili nila sa world-renowned luxury jeweler na Mouawad bilang crown sponsor ngayong taon.

Papalitan ng nasabing jewelry maker ang Mikimoto crown mula Japan na siyang kasalukuyang suot ni Catriona na umano’y nagkakahalaga ng $250,000 o katumbas ng P12.5 million.

Ang Mikimoto crown ay official sponsor ng Miss Universe mula 2002 hanggang 2007, at naibalik noong 2017 sa reign ni Demi-Leigh Nel-Peters ng South Africa.