-- Advertisements --

Kaya raw patunayan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ang paglobo ng bilang ng mga registered voters sa San Juan City mula 2016 hanggang sa kasalukuyan ay “highly irregular”. 

Tugon ito ni Estrada sa hamon ni San Juan City Mayor Francis Zamora na patunayan ang kanyang alegasyon tungkol sa flying voters sa lungsod.

Sa plenary deliberations ng panukalang pondo ng Comelec, isiniwalat ni Estrada  na imposible na tumaas sa 32.2% mula sa 16.50% noong 2019 national and local elections ang kabuuang botante sa lungsod gayong hindi naman ito malaking siyudad.

May iregularidad daw dito kung ikukumpara sa ibang local government units at maging sa national registered voters

Iginiit din ng senador na malakas lang ang loob ni Zamora na maghamon na maghain sila ng petition for exclusion dahil alam nitong nag-lapse na ang period of filing para dito.

Bago pa rin aniya lumabas ang isyung ito ay may naihain nang petition for annulment ng voters’ list ng San Juan noong 2022 matapos isagawa ang May 2022 elections.

Hinihiling naman ni Estrada sa Comelec na aksyunan ang usapin na ito.

Nangangalap na rin aniya ang senador ng mga datos para suportahan ang petition for exclusion ng ilang mga botante para sa May 2025 elections.

Una nang Itinanggi ni Zamora na nagkaroon ng flying voters sa kanilang lungsod. 

Hindi niya raw kailangan ng flying voters para lang manalo sa pagkaalklade sa San Juan City.