Pinagdadasal na lang daw ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na maayos na ang gusot sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pahayag ni Estrada ay matapos magpahayag ng mga tirada si VP Sara sa pangulo, kay First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi pa ng bise na kumontrata na siya ng assassin upang patayin si Pangulong Marcos Jr., kung may mangyari sa kanya.
“Pinagdadasal ko na lang na magkasundo na para wala na away. Alam mo ang naapektuhan dito yung taong bayan. Siyempre pagka mag-away ang President at Vice President, parang Mayor at Vice Mayor pag nag-away sila, nagsasuffer dyan ang taong bayan. So nagdadasal na lang ako na sana maayos na ito, lahat ng mga gusot na ito para maayos din ang ating bansa, ani Estrada.
Ayon pa kay Estrada, maaaring pumagitna si Senadora Imee Marcos bilang malapit na kaibigan ni VP Sara at kapatid naman ni Pangulong Marcos.
“Well, she can play a major factor. Pwede siyang mag-negotiate between the two camps. Siyempre kapatid niya si Presidente at kaibigan niya si Vice President Duterte. Siguro pwede siyang mag-initiate ng move para mabawas-bawasan naman yung tension na nararamdaman ng taong bayan,” dagdag ng senador.
Gayunpaman, wala naman daw problema kay Estrada kung sakaling madagdagan ang ilalaang pondo ng OVP para sa 2025.