Pinasinungalingan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang espekulasyon na papalitan niya si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President.
Ayon kay Estrada, wala siyang balak na maging pangulo ng Senado at komportable siya sa pamumuno ni Escudero.
Narinig daw niya noong nakaraang dalawa o tatlong linggo na mayroong umuugong na palitan ng liderato ng Senado ngunit hindi raw siya ang tinutukoy.
Wala rin aniyang lumapit at kumausap sa kanya na mga kapwa niya senador hinggil sa change of leadership.
Sa palagay ni Estrada mayorya ng mga senador ngayon ay suportado ang pamumuno ni Escudero.
Magugunitang bago mapalitan si Senador Juan Miguel Zubiri ni Escudero bilang pangulo ng Senado, kasama din ang pangalan ni Estrada sa mga usap-usapan na uupo bilang bagong Senate President.
Ngunit hindi raw alam ni Estrada kung saan ito nanggagaling.
Wala rin aniya sa kanyang mga kasamahan na tinutulak siya na maging pangulo ng Senado.
Gayunpaman, tinitiyak naman ni Estrada na mananatili pa ring Senate President si Escudero sa pagtatapos ng break sa September 28 at pagbabalik sa November 4, 2024.