Nagbabala si Sen. Alan Peter Cayetano, na dating nagsilbi bilang foreign affairs chief sa ilalim ng administrasyong Duterte, na mag-ingat sa paghahahanap ng makaka-alyansa sa ibang mga bansa upang hadlangan ang China.
Ayon sa mambabatas, dapat aniyang itanong kung ang mga pagsasanay na ito sa ibang mga bansa ay talagang makatutulong o magpapalubha sa sitwasyon.
Binigyang-diin ng mambabatas, na dapat magkaroon nang malinaw na estratehiya ang gobyerno pagdating sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Pinaliwanag ni Cayetano na ang problema ng Pilipinas ang pabago-bagong estratehiya depende sa nakaupong Pangulo ng bansa.
Giniit ng Senador na mahalagang mapag-aralang mabuti ng gobyerno ang magiging tugon sa isyu sa WPS upang hindi mangyari sa bansa ang tulad sa ginawang pag-atake ng Russia sa Ukraine.
“So, ang naging problema ng Pilipinas ay pabago-bago ang ating strategy because every administration, hindi lang nagbabago iyong strategy pero may wild swings tayo.” Ani Cayetano.
Kinondena rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang delikadong aktibidad na ginawa ng Chinese coast guard (CCG) laban sa Philippine coast guard (PCG).
Aniya, hindi maituturing na handheld ang pagtutok ng military grade laser sapagkat malakas siya at malayo ang barko na pinanggagaling mismo ng ilaw.
Tinutuligsa ito ng mambabatas at aniya kinakailangan na mag-file ng isang diplomatic protest sa embahada ng tsina at chinese foreign ministry.
Panawagan din ng mambabatas na hindi na maulit itong nakagagalit na hakbang na ginawa ng tsina.
Kinondena rin ni senate committee on national defense chairman Jinggoy Estrada ang aniya’y panibagong intimidation tactic ng Chinese coast guard laban sa mga miyembro ng Philippine coast guard sa ayungin shoal.
Ayon kay Estrada. dapat na agad na pigilan ang ginawang aksyon ng tsina.
Aniya, ang ginawang panunutok ng Chinese coast guard ng military grade laser light ay nagdulot ng temporary blindness sa mga kawani ng PCG at naglagay sa kanila sa alanganin.
Kasabay nito ay hinikayat ng senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest at manindigan sa pagdepensa ng soberanya ng Pilipinas alinsunod sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).