BUTUAN CITY – Patuloy na ginagamot sa Amai Pakpak Medical Center ng Marawi City ang isang estudyante matapos barilin sa commercial center ng Mindanao State University (MSU) main campus pasado alas-6:55 kagabi.
Ang tama ng bala sa kanyang noo ang dahilan na delikadong kalagayan ng biktimang si Ivan Almeda, 20-anyos na residente ng Bayugan City sa Agusan del Sur at first year student sa kursong Bachelor of Physical Education.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na binaril ang biktima ng hindi pa kilalang responsable at inalam pa ng mga otoridad ang motibo sa krimen.
Napag-alamang ito na ang ikatlong estudyanteng taga-Caraga Region na binaril sa loob mismo ng MSU.
Ang unang dalawang mag-aaral ay taga-Surigao del Norte na parehong namatay at hanggang ngayo’y hindi pa nabigyan ng hustisya ang sinapit.