-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang estudyante at sugatan ang kanyang kasama sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Amer Zainal Esmail, 21, binata, senior high school student, habang sugatan ang kanyang pinsan na si Rambo Amelil, mga residente ng Barangay Poblacion, Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Pikit chief of police Captain Mautin Pangandigan na lulan ang mga biktima sa isang multicab sa Brgy Poblacion, Pikit, Cotabato atp apauwi na ng kanilang tahanan ng bigla silang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo pabalik ng town proper.

Naisugod pa ang mga biktima sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Esmail habang nasa maselang kondisyon si Amelil.

Rido o away pamilya ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.