CAUAYAN CITY – Patay ang isang estudyante habang sugatan ang dalawa pa nitong kasamahan sa salpukan ng sinakyang motorsiklo sa tricycle sa Santiago City, Isabela.
Kinilala ang namatay na backrider na si Said Manuel, 14, habang nagtamo ng mga galos sa katawan ang driver na si Johnrich Galema, 17, at isa pang backrider na si Trishtan Domingo, 19, pawang residente ng Barangay Cabulay sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Lt. Col. Melchor Areola, chief ng traffic group at tagapagsalita ng Santiago City Police Office na ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima ay tinangkang mag-overtake sa kanang bahagi ng daan ngunit biglang nawala sa control nang manibela si Galema.
Dahil sa nerbiyos ay tumalon mula sa motorsiklo ang backrider na si Manuel sanhi para mabagok ang ulo sa sementadong daan.
Sumalpok din ang motorsiklo sa kasalubong na tricycle na minamaneho ni Nathaniel Quileng, 57.
Dinala sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay si Manuel.