KORONADAL CITY – Naghihinagpis ang pamilya Timbang sa biglang pagkamatay ng kanilang anak kasunod ng unang araw ng klase sa bahagi ng Lake Sebu, South Cotabato.
Ito ay kasunod ng matinding sugat sa ulo na natamo ng biktima na kinilalang si Albert Timbang, 13, dahil sa pagkakatumba ng isang punongkahoy sa covered walk na sinisilungan ng biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Master Sergeant Bertito Alojado Jr., chief of police ng Lake Sebu PNP, maliban sa nasawing estudyante sugatan din ang tatlong iba pang mag-aaral na kinilalang sina Rose Sampalan, Jewish Aban Tuson at Cristy Faith Sangkala, pawang mga estudyante ng Lake Sebu National High School.
Tiniyak naman ni Alojado na nasa ligtas na ang kalagayan ang naturang mga estudyante.
Una nang sumilong ang mga biktima dahil sa masamang panahon na nararanasan doon.
Samantala, nagpaalala naman si Lake Sebu MDRRMO officer Roberto Bagong sa mga magulang at mga estudyante na dapat mag-ingat lalo na’t unti-unti nang nararanasan ang mga pag-ulan ngayong panahon.