TACLOBAN CITY – Kaagad nasawi ang isang mag-aaral matapos araruhin ng sasakyan na minamaneho ng isang senior citizen.
Kinilala ang namatay na si Carl Aporto, 16-anyos.
Tatlo naman ang malubhang nasugatan na sina JL Baldon, Jerry Alao at Archie Meros, pawang residente ng Barangay Victory Babatngon sa Leyte.
Ang driver ng Toyota Wigo ay nagngangalang Rasilla Corazon, 81, US citizen pero residente ng Barangay District 1 sa Leyte.
Ayon kay Pol. Chief Master Sgt. Rosaoro Lacaba ng Babatngon Municipal Police Station, naka-sidesweep ang naturang sasakyan ng isang tricycle kaya pumutok ang gulong nito at bumangga sa isang single motorcycle na nakaparada hanggang sa dumiresto sa nakatambay na mga kabataan.
Sa ngayon ay nakaburol na si Aporto habang patuloy na ginagamot sa ospital ang tatlo, gayundin ang matandang driver na bahagyang tumaas ang pressure ng dugo.