-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Bumuo nan ang Task Force ang Bangsamoro Government na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa serye ng pamamaril sa bayan ng Pikit, North Cotabato.

Ang nasabing direktiba ay nagmula kay BARMM Chief Minister Ahod Ebrahimupang mabigyan na rin ng solusyon ang lumalalang sigalot sa magkalabang grupo sa nabanggit na lugar.

Kasabay nito, iginiit din ni Ebrahim na ang serye ng pamamaril-patay sa nabanggit na bayan ay hindi Muslim-Christian conflict.

Ito ay dahil may mga kumakalat na impormasyon na kapag ang biktima ng pamamaril ay Christian agad na itinuturo ang mga Muslim ang may kagagawan at kapag Muslim naman ang biktima itinuturo naman sa mga Kristiyano.

Nais umano ng opisyal na malinawan ang lahat at hindi na maulit pa ang mga pangyayari noong nakaraang mga taon.

Una rito, dalawang binatilyo na pauwi mula Pikit National High School ang pinagbabaril sa Barangay Gli-Gli sa nabanggit na bayan noong Pebrero 14 na nagresulta sa pagkamatay ng isang 13 anyos at pagkasugat naman ng dalawang menor de edad na kasamahan nito.

Sinundan naman ito ng pamamaril kahapon ng hapon na nagresulta sa pagkasugat ng isang 15 anyos at 42 anyos.

Tinutukoy pa sa ngayon ng mga otoridad ang pagkakakilalanlan ng mga suspek na gumamit umano ng matatas na kalibre ng baril.

Mahigpit naman na kinukundena ng Cotabato Police Provincial Office ang pangyayari at nanawagan ng kooperasyon sa mga testigo na posibleng nakakita ng insidente.

Dahil sa magkakasunod na pamamaril nagdeklara si Pikit Mayor Sumulong Sultan ng suspension of classes hanggang ngayong araw ng Biyernes.