KORONADAL CITY – Labis ang hinagpis na nararamdaman ngayon ng pamilya ng isang 16-anyos na binatilyo sa bayan ng Tupi, South Cotabato matapos itong magpatiwakal dahil umano sa distance learning at sa hirap ng buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Emily, ina ng biktimang si alyas “Danny”, residente ng Brgy. Cebuano, Tupi, inihayag nitong nahihirapan umano siya sa module sa subject na Mathematics sa unang araw ng klase noong Oktubre 5 kaya hiniling niya sa kaniyang ina na ibalik na lamang ang module at titigil na siya sa pag-aaral.
Ikinagulat na lamang nila na alas-6:00 ng umaga nitong Martes nang nakita nilang nakalambitin na at wala nang buhay ang biktima nang matagpuan nila ito sa dati nilang bahay mga 200 metro ang layo mula sa kanilang tinitirahan.
Sinasabing dinadamdam umano ng binatilyo ang hirap sa buhay at hirap sa pag-adjust sa bagong mode of learning bunsod ng COVID-19 crisis.
Nabatid na ikalawa si “Danny” sa limang magkakapatid.