Matagumpay na na-rescue ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang kidnap victim na 21-anyos na estudyante ng Ateneo De Manila University (ADMU) sa New Manila, Quezon City nuong December 31, 2020.
Kinilala ni PNP AKG director BGen. Jonnel Estomo ang kidnap victim na si James Eliajah Yap.
Una rito, habang nagbibisikleta si Yap sa kanilang subdivision bigla na lamang siyang dinukot ng anim na mga kalalakihan at isinakay sa isang van.
Ayon kay Estomo batay sa inisyal na imbestigasyon humihingi ng P200 million ransom ang mga kidnappers sa mga kamag anak ni Yap kapalit ng kaniyang kalayaan.
Sinabi ng heneral ng mabatid nila ang insidente kaya agad kumilos ang mga tauhan ng PNP-AKG at dito nagkaroon nga ng negosasyon sa pagitan ng pamilya at ng mga kidnappers.
Dahil sa hindi umano kaya ng pamilya na magbayad ng hinihinging ransom bumaba ang demand ng kidnappers sa P1.5 million.
At noong January 5 nagkasundo na magkaroon ng pay off sa may Barangay Malamig Highway, Bustos, Bulacan.
Arestado sa operasyon ng AKG ang isa sa mga kidnappers na si Ma. Rachel Erica Gonzales, registered owner ng Mitsubishi Strada at asawa ng suspek na siyang negotiator na si John Paolo Gonzales na at large sa ngayon at ang apat pa nitong kasamahan.
Inamin ng registered owner ng sasakyan na siya ang mastermind sa insidente.
Sa isang mensahe na ipinadala ng nakalayang kidnap victim, lubos siya nagpapasalamat sa PNP AKG team na gumawa ng paraan para siya ay ligtas na marescue mula sa kamay ng kaniyang mga kidnappers.
Nilinaw naman ni Estomo na ang grupong dumukot kay James ay isang ordinaryong criminal gang at hindi isang organized kidnap for ransom group (KFRG).
Aniya, habang ongoing ang negotation, natukoy ng AKG kung sinu-sino ang kanilang mga target at natunton ang safehouse ng mga kidnapper at ang sasakyang ginamit ng mga suspeks.
“Actually yung victim hindi nila target. Meron talaga silang target pero hindi nila nakuha nung pasko pa so ito natiyambahan lang na nagba bike mag isa kinuha na, akala nila ganun kayaman,” wika pa ni BGen. Estomo.