-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kulong ang isang turista matapos mahulihan ng hinihinalang marijuana sa Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan, Malay, Aklan.

Base sa report ng Malay Police Station, inabisuhan ni Joebert Unido ng Office for Transportation Security, ang suspek na si Ronnie Angelo Kyle Mabait, 20-anyos na estudyante, residente ng Quezon City at bakasyunista sa Boracay, na ilabas ang laman ng kanyang bulsa matapos makita ang kahina-hinalang plastic sachet sa X-ray scanner sa paliparan.

Nang tingnan ng mga otoridad, mga pinatuyo umano itong dahon ng marijuana at may kasama pang drug paraphernalia.

Kaagad dinala sa presinto ang suspek at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Hindi na nagbigay ng anumang komento ang suspek kaugnay sa nakumspikang kontrabando.

Pauwi na sana sa Metro Manila ang suspek kasama ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya mula sa apat na araw na bakasyon sa Boracay nang mangyari ang insidente.