Todo pasalamat ngayon ang Pinoy international goalkeeper na si Neil Etheridge matapos itong tanghalin bilang Cardiff City FC 2019 Player of the Year.
Nasungkit ni Etheridge ang nasabing pagkilala makaraang makakalap ito ng pinakamalaking boto mula sa fans ng naturang Welsh club.
Sa kanyang social media account, pinasalamatan ng 29-year-old former Azkals goalie ang lahat ng mga bumoto sa kanya para makamit ang parangal.
Nitong 2018-19 season, itinala ni Etheridge ang 127 saves, na ikalawa sa pinakamalaking bilang na naitala ng mga goalkeepers sa buong English Premier League.
Nanguna rin ang Pinoy goalkeeper, kasama si Jordan Pickford ng Everton, sa mga naisalbang penalties na tatlo ngayong season.
Sa kabila naman ng ipinamalas na performance ni Etheridge, nasa ika-18 puwesto ang koponan nito sa standings ng torneyo.