May rekumendasyon na ang House Committee on Ethics and Privileges kaugnay sa ethics complaint laban kay dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Ito ang kinumpirma ni Ako Bicol PL Rep. Raul Angelo Bongalon, vice chairperson ng Ethics panel.
Tumanggi naman isapubliko ni Bongalon kung ano ang inirekumendang parusa kay Alvarez.
Ang kanya lamang kinumpirma ay “unanimous” ang naging botohan.
Dagdag ni Bongalon, inaprubahan na ng Ethics committee ang committee report, at “subject for approval” pa ng plenaryo ng Kamara.
Nilinaw ni Bongalon anuman ang desisyon ng kanilang komite ay kailangan pang mai-akyat sa plenaryo ay pagbobotohan doon ng mga miyembro ng kapulungan.
Ayon naman kay House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, na chairman ng House Committee on Rules, aaksyunan sa plenaryo ang committee report sa oras na maisumite na ito sa kanyang opisina.
Una nang inireklamo ni Tagum City Mayor Rey Uy si Alvarez, dahil sa mga libelous remark niya laban sa mga opisyal ng Davao del Norte, at seditious statements kung saan hinimok ng dating Speaker ang military at pulisya na bawiin ang suporta kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ibinasura naman ng komite ang reklamo hinggil sa umano’y palagiang pag-absent ni Alvarez sa Kamara.