Hinimok ng European Union si US President Donald Trump na pag-isipang muli ang naging pasya nito na alisin ang pagpondo ng Amerika sa World Health Organization (WHO).
Matatandaang umani ng samu’t saring batikos ang naging hakbang na ito ni Trump kasunod ng babala ng mga eksperto na hindi pa tuluyang nakokontrol ang coronavirus pandemic.
Sinabi kasi ni Trump na nagkulang daw ang pagtugon ng WHO sa pandemic, at inakusahan pa ang ahensya na “yumuyuko” sa China.
Ayon kay European Commission President Ursula von der Leyen, hindi raw dapat maglunsad ng anumang aksyon ang alinmang pamahalaan na posibleng magbigay-daan para manamlay ang paglaban ng buong mundo sa sakit.
Ngayon din aniya ang oras para sa mas maigting na kooperasyon at pagbalangkas ng mga solusyon.
“The WHO needs to continue being able to lead the international response to pandemics, current, and future,” wika ng opisyal. “For this, the participation and support of all is required and very much needed.”
Sa Estados Unidos nanggagaling ang pinakamalaking pondo na natatanggap ng WHO, at sinasabing ang naging hakbang ni Trump ay magpapahina raw lalo sa organisasyon.
Una rito, sinabi ni Trump na kanya na lamang daw ilalaan ang pera sa iba pa umano na mas karapat-dapat na bagay. (AP)