Nagdeploy ang European Union Election Observation Mission (EU EOM) ng kabuuang 72 long-term observer sa buong bansa para sa nalalapit na Midterm elections.
Batay sa pahayag na inilabas ng EU – EOM, ang ipinadalang delegasyon dumating na sa Pilipinas noon pang March 28 at tuloy-tuloy na nag-oobserba sa mga paghahandang ginagawa para sa halalan.
Nagsisilbing lider ng naturang delegasyon si Chief Observer Marta Termido, isa sa mga miyembro ng European Parliament mula sa Portugal na unang pagkakataong bibisita dito sa Pilipinas.
Isa sa mga pangunahing layunin ng naturang team ay ang makakuha ng akmang impormasyon upang maintindihan nang mabuti ang electoral process na umuusad dito sa bansa.
Ang mga miyembro ng naturang team ay idedeploy sa iba’t-ibang rehiyon, kapwa sa mga rural at urban area.
Oobserbahan ng mga ito ang electoral process bago ang halalan, habang isinasagawa ang halalan, at pagkatapos ng botohan.
Nakatakda ring makipagpulong ang mga ito sa mga electoral officials, mga kandidato, civil society organization, at maging sa media.
Inaasahang madadagdgaan pa ang bilang ng mga ito ng karagdagang 100 short-term observer bago ang mismong halalan. Makakasama ng mga ito ang mga miyembro ng European parliament at mga accredited diplomat mula sa mga miyembro ng EU tulad ng Canada, Norway, Switzerland, atbpa.
Bahagi ng kanilang pananatili rito ay ang pagbuo ng comprehensive analysis sa electoral proces ng bansa, gamit ang ilang paraan na binuo ng EU sa loob ng mahigit dalawang dekadang pag-obserba sa iba’t-ibang mga bansa.
Tiniyak naman ng delegasyon na mananatili itong neutral sa halalan at susunod sa mga itinatakda ng Declaration of Principles for International Election Observation, Code of Conduct for International Election Observers, at sa mga batas ng bansa.