Dismayado ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) at iba pang mga sports leaders sa bansa sa kontrobersiyal na pagkatalo ni Eumir Marcial sa pambato ng Ukraine na si Oleksandr Khyzhniak sa semifinal round na ginanap sa Kokugikan Arena.
Dahil dito, tuluyang naibulsa ni Marcial ang bronze medal matapos ang “win by points” na 3-2 split decision pabor sa kanyang karibal sa Tokyo Olympics middleweight semifinals.
Una rito, sa akala ng marami ay mananalo si Marcial dahil ang Round 1 at Round 2 ay majority sa mga judges ay ibinigay sa Pinoy boxer.
Gayunman pagsapit ng Round 3 sa scorecards ay kinampihan nila lahat ang Ukrainian.
Ayon kay ABAP executive director Ed Picson labis ang kanyang pagkadismaya.
Kanya ring tinuligsa ang judge mula sa Cuba dahil sa tatlong rounds ay wala man lamang ibinigay kay Eumir na rounds at mababa pa ibinigay.
Hindi aniya katulad ng iba pang apat na judges na ang ibang rounds ay ibinigay kay Marcial.
Hindi rin naman sinang-ayunan ng kilalang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino ang resulta ng laban.
Bagamat marami umanong suntok na pinakawalan si Oleksandr, mas matitindi at malalakas ang pinatama ni Marcial.
Ito na ang ikalawang beses na natalo si Marcial ng Ukrainian boxer na unang nangyari ay taong 2019.
Maging ang presidente ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas Monico Puentevella ay hindi umalma rin sa scoring ng judging.
Kabilang ang mga judges ay nagmula sa Australia, Cuba, Ireland, Kazakhstan at Columbia.
Inamin naman ni Marcial, 25, na medyo kinapos siya sa huling round lalo na at ang una niyang dalawang panalo ay kapwa nauwi lamang sa first round.
Hindi katulad ni Khyzhniak na gumanda pa ang kondisyon dahil sa tumagal ang laban sa harapan niya Russian rival sa quarterfinals.
Sa ngayon ang top seed na Ukrainian boxer ay umabot na sa 62 fights sa kanyang career na wala pang talo na nagsimula noong 2016.
Noong 2019 nang tinalo niya si Marcial ay nagtamo ng injury ang boksingerong taga-Zamboanga kaya hindi na natapos ang laban.
Sa ngayon ang boxing team ng Pilipinas na liban sa bronze medal ni Marcial ay nakasungkit din ng silver medal mula kay Nesthy Petecio habang si Carlo Paalam ay sasabak naman sa gold medal sa Sabado.