-- Advertisements --

Tuluyan nang lumagda ng kontrata ang Olympic-bound middleweight boxer na si Eumir Felix Marcial sa Manny Pacquiao (MP) Promotions ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 16.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcial na pumirma ito ng anim na taong kasunduan sa promotional outfit na pag-aari ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

“Nais ko po na iparating sa lahat ang aking desisyon na pumirma ng isang promotional deal sa Manny Pacquiao Promotions,” wika ni Marcial.

“Napili ko ang MP Promotions dahil sa kanilang 100% support sa aking hangarin na lumaban pa para sa Pilipinas sa mga future SEA Games at Asian Games competitions at maging sa Olympics,” dagdag nito.

Nakasaad din aniya sa kanyang promotional deal na binigyan daw siya kalayaan ng MP Promotions na makapagpokus sa kanyang training para sa 2021 Tokyo Games.

“Sa katunayan, nakasaad sa aking six-year-promotional deal na hindi sila magiging hadlang sa oras na kailanganin ako ng national team.”

Kung maaalala, target talaga ni Marcial na mapasailalim sa MP Promotions kahit na napakaraming mga international firms ang interesadong makuha ang kanyang serbisyo.

“Alam ko nandiyan si Senator Pacquiao na tinutulungan po ‘yung mga boksingero na umangat din sa kahirapan at maabot ‘yung mga pangarap [nila],” ani Marcial.

Sa ilalim ng MP Promotions, kasama ni Marcial ang mga kasalukuyang world champions na sina Pedro Taduran, Johnriel Casimero at Jerwin Ancajas.

Nagpasalamat din si Marcial sa suportang ibinigay sa kanya at sa kanyang pamilya ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa loob ng ilang taon.

“Gaya po ng aking naipangako, ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya para makuha ang minimithi natin na Olympic gold medal at maging isang boxing world champion ilang taon mula ngayon,” anang boksingero.