PARIS, France – Nakapagtala na ng ilang kataong nasawi sa matinding init ng panahon na nararanasan sa ilang parte ng Europa.
Pumalo na kasi sa 45.9C (114.6F) ang temperatura, na itinuturing ng mga eksperto bilang record high ng heatwave.
Nai-record ang nasabing init sa Gallargues-le-Montueux, na isa sa mataong lugar sa France.
Ayon kay Health Minister Agnes Buzyn, nalagpasan na nito ang init noong 2003 na mayroon lamang 44.1C, ngunit ikinasawi ng ilang libong katao.
Aminado si Mayor Freddy Cerda na nahihirapan na ang kaniyang mga kababayan para harapin ang ganitong problema sa lagay ng panahon.
“We have to put up with this climate, and that’s what the future holds for us, don’t forget. The south of France is going to become tropical,” wika ni Cerda.
Katunayan, ilang paaralan ang pansamantalang isinara dahil hindi makayanan ng mga estudyante na makapasok sa kani-kanilang klase.
Sinabi ng meteorologists na si Etienne Kapikian na ang mainit na hangin sa Europa ay nanggagaling sa Northern Africa na pinaiigting pa ng umiiral na high pressure area.