Ikinokonsidera umano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagkuha ng isang European coach upang punan ang binakanteng puwesto ni Yeng Guiao sa Gilas Pilipinas.
Ayon kay SBP President Al Panlilio, bibilisan na raw nila ang paghahanap ng bagong national coach kasunod ng nakakadismayang performance ng Gilas sa FIBA World Cup.
“We have to move quickly. I don’t know if there’s a timetable. It might be a local coach, it might be a foreign coach,” wika ni Panlilio.
Paglalahad pa ni Panlilio, nag-ugat ang nasabing opsyon matapos ang naging pulong nila ni Guiao kung saan iminungkahi nito ang regular na pagsasanay ng mga players sa Europe bilang paghahanda sa mga kompetisyon sa labas ng bansa.
“That’s part of the assessment. If the suggestion given by coach Yeng is that we should adopt with that style of basketball, then we do need a European coach or at least somebody who knows European basketball,” wika ni Panlilio.
Ani Panlilio, pag-uusapan daw ang naturang paksa sa darating na weekend.
Kailangan na ring magtalaga ng SBP ng bagong coach lalo pa’t papalapit na ang hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games sa darating na Nobyembre.
Una nang lumutang ang mga pangalan nila Tab Baldwin ng Ateneo at Tim Cone ng Barangay Ginebra bilang susunod na head coach ng koponan ng bansa.