-- Advertisements --

Nagpaabot ng suporta ang European leaders kay Ukraine President Volodymyr Zelensky matapos mauwi sa mainit na sagutan ang pakikipagpulong niya kay US President Donald Trump sa Oval office nitong Biyernes, Pebrero 28.

Kabilang sa nagpahayag ng suporta si European Union chiefs Ursula von der Leyen at Antonio Costa na tiniyak kay Zelensky na hindi kailanman ito nag-iisa.

Sa joint statement, sinabihan ng 2 lider si Zelensky na maging matapang at huwag matakot at siniguro na kanilang ipagpapatuloy ang pakikipagtulungan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Binigyang diin naman ni French President Emmanuel Macron na ang Russia ang aggressor sa giyera sa Ukraine at ang Ukraine ang naagrabyado. Nangako din ito ng tulong sa Ukraine at sanction naman para sa Russia sa loob ng 3 taon at ipagpapatuloy pa aniya nila ito.

Sinabi din ni Macron na kung meron mang nagsusugal para sa World War III, ito ay si Russian President Vladimir Putin. Tinutukoy ng French President ang akusasyon ni Trump kay Zelensky.

Nagpahayag din ng suporta si outgoing Germany chancellor Olaf Scholz para sa Ukraine, gayundin ang iba pang word leaders mula sa Netherlands, Poland, Spain, United Kingdom, Canada, Denmark at Sweden.

Sa panig naman ng Russia, na siyang naglunsad ng full scale invasion sa Ukraine, sinabi ni Russian Security council deputy chairman Dmitry Medvedev na sa unang pagkakataon umano ay sinabi ni Trump ang katotohanan sa pagmumukha ni Zelensky na tinawag niyang “cocaine clown”.

Samantala, nanawagan naman si Italian Prime Minister Giorgia Meloni sa US, Europe at kanilang kaalyado na magsagawa ng Summit nang walang pagkaantala para talakayin ang giyera sa Ukraine.