Kinondena ng Iran ang inilatag na panukala ng United Kingdom na magpadala ng European-led naval mission sa Persian Gulf.
Ito ay upang depensahan ang mga barko sa naturang karagatan matapos ang ginawang paghuli ng Iran sa isang UK-flagged oil tanker na MT Stena Impero noong July 19.
Ayon kay Iranian President Hassan Rouhani, ang presensya umano ng foreign forces sa kanilang karagatan ay maaaring magdulot ng seguridad sa rehiyon ngunit magiging sanhi pa rin daw ito ng tensyon sa dalawang bansa.
Dagdag pa nito, responsibilidad umano ng Iran at Oman na bantayan ang Strait of Hormuz.
Nagbigay na rin ng komento patungkol dito ang tagapagsalita ng Iranian government na si Ali Rabiei. Aniya, ang pagbuo ng European countries ng naval coalition ay magsisilbi umanong hindi magandang mensahe para sa kanilang bansa at mas magpapalala lang umano sa gulo ng dalawang bansa.
Una nang nagpahayag ng kanilang suporta ang France, Italy at Denmark sa plano ng Britanya.
Sa kabila nito, nilinaw ng France na hindi magpapadala ang kanilang gobyerno ng dagdag tropa militar sa Persian Gulf.
Sa halip, ay handa raw silang magbahagi ng impormasyon at makipagtulungan sa mga una na nilang naipadala na mga tauhan.