Hinimok ng European Union Asia Pacific ang Pilipinas na bumalik na sa pagiging miyembro ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Asia and the Pacific – European External Action Service managing director Niclas Kvarnström, mas maiging maging bahagi pa rin ng ICC ang Pilipinas upang mapagtibay ang kooperasyon sa pagitan nito at ng iba pang mga bansa.
Sa katunayan aniya, nasa ilalim pa rin naman ng legal jurisdiction ng ICC ang Pilipinas sa kabila ng tuluyan nitong pag-withdraw sa Rome Statute noong 2018.
Paliwanag ni Kvarnström na noong sumali at naging miyembro ang Pilipinas sa statute, saklaw na ito ng legal jurisdicion ng ICC kahit pa tuluyan din itong lumisan.
Ang pagbabalik ng Pilipinas aniya ay bahagi lamang ng pormal na pagtanggap ng bansa sa hurisdiksyon ng international court para sa mas malawak at mas mahigpit na kooperasyon at pagtutulungan.
Ang Pilipinas ay dating state party ng Rome Statute, ang nagsisilbing founding treaty ng ICC.
Noong 2018, nagpadala ang bansa ng notice to withdraw mula sa statute, na tuluyan ding naging epektibo makalipas ang isang taon (2019). Ito ay kasabay ng mariing pagpuna noon ng international community sa war on drugs ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, ipinagpatuloy pa rin ng ICC ang imbestigasyon nito sa umano’y crimes against humanity at murder charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.