Tinanggap na ng pamilya ng beteranang aktres na si Eva Darren ang paghingi ng tawad ng FAMAS o Filipino Academy of Movie Arts and Sciences kaugnay ng snubbing incident na nangyari noong awards’ night ng naturang award-giving body.
Ayon sa online post ng anak ng beteranang aktres na si Fernando de la Pena, inimbitahan ng FAMAS ang kaniyang ina na mag-presenta ng award kasama ang aktor na si Tirso Cruz III.
Tinanggap naman ng aktres ang imbitasyon lalo na’t ang huling beses daw na nasa FAMAS ito ay noon pang taong 1969 kung saan nagwagi si Eva Darren ng Best Supporting Actress award para sa kaniyang pelikulang Ang Pulubi.
NGunit nang dumating ang oras para i-presenta ang award, ay hindi tinawag si Eva Darren at iba na ang kasama ni Cruz sa stage.
Ayon naman sa apology post ng FAMAS, parte ng programa ang aktres ngunit hindi umano matagpuan ang kinaroroonan nito kaya nagdesisyon ang production team na humugot ng ibang artista bilang kapalit ni Eva Darren para i-presenta ang award kasama ni Cruz.
Dagdag pa ng organisasyon, live umano ang naturang show kaya kinakailangan nilang maremedyuhan kaagad ang problema, ngunit binigyang-diin nito na hindi ito intensyonal at isang kapabayaan ng kanilang grupo.
Nilinaw naman ng anak ng aktres na nakaupo ang kaniyang ina sa harapan at gitna ng stage kasama pa ang ibang beteranang aktres na sina Divina Valencia at Marissa Delgado.
Una ng tinawag ng kaanak ng aktres ang nangyari bilang ‘disrespectful, unethical, at unprofessional.’
Gayunpaman, tinatanggap umano ng kanilang pamilya ang paghingi ng tawad ng FAMAS at umaasa ito na hindi na mauulit pa ang insidente.
Nagbigay rin si De La Pena ng rekomendasyon para sa mga susunod pang awards’ night ng FAMAS, sana raw ay mag-stick ito sa script at magsuot ng maayos na eyeglasses.
Nagbabalak naman ang pamunuan ng FAMAS na bumisita kay Eva Darren para personal itong makausap at bigyang-pugay ang kontribusyon nito sa industriya.