VIGAN CITY – Nakahanda umano ang provincial government ng Ilocos Sur na kupkupin ang mga residenteng naapektuhan ng phreatic eruption ng Taal Volcano.
Ito ay kung sakali mang mapadpad sila sa lalawigan dahil sa hindi pa stable na kalagayan ng nasabing bulkan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Governor Ryan Singson na wala umanong problema kung maisipan ng mga bakwit mula Batangas na magtungo sa lalawigan dahil welcome naman umano ang lahat.
Maliban pa rito, tiniyak ni Singson na sa susunod na linggo ay ipapadala na ng provincial government sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga relief packs para sa mga evacuees sa Batangas.
Aniya, aabot umano sa higit P2 milyon ang nakahandang ipamahagi ng Ilocos Sur para sa mga naapektuhan ng nasabing kalamidad bilang pagtanaw na rin ng utang na loob dahil isa ang Batangas sa mga tumulong sa Ilocos Sur noong nanalasa sa lalawigan ang bagyong Ompong.