TUGUEGARAO CITY – Umaabot na sa 1,497 families o nasa 4,877 ang evacuees sa Cagayan dahil sa pananasala ng bagyong Ramon.
Ang mga nasa evacuees ay isinailalim sa forced evacuation dahil sa mga posibleng landslides at pagbaha sa coastal towns ng Sta. Ana, Allacapan, Gattaran, Gonzaga, Buguey, Sta. Praxedes, Rizal.
Inaasahan na madagdagan pa ang nasabing bilang habang nagsasagawa ng monitoring ng mga otoridad sa sitwasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Rueli Rapsing ng Task Force Cagayan na naputol ang supply ng koryente ng Sta. Ana at Gonzaga kagabi.
Nagsagawa naman ng sand-bagging operations ang mga mamamayan ng Buguey.
Sinabi ni Mayor Lloyd Antiporda ng Buguey na bahagi ito ng paghahanda ng mga mamamayan ng Brgy. Paddaya Weste na malapit sa dagat para makaiwas sa pagbaha.
Pansamantalang isinara na rin sa malalaking sasakyan ang bahagi ng national highway ng provincial road sa Brgy. Kapanikian Norte, Allacapan, Cagayan dahil sa landslide.
Tanging mga motorsiklo lamang ang pinapayagang makadaan sa lugar kung saan isinasagawa na ang clearing operations.
Isang bangkay at tatlong pasahero ang stranded sa port of Aparri na patungo sa isla ng Calayan.
Hindi naman namatay dahil sa bagyo ang nasabing bangkay.
Nilinaw ni Sacramed na hindi typhoon related ang pagkamatay nito.
Nasa 15 boat crew din ang nananatiling stranded naman sa Claveria port na papunta rin sa Calayan island.
Samantala, una na ring nagsagawa ng forced evacuation sa mga delikadong lugar ang Apayao.