NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) matapos madagdagan pa ang bilang ng mga binahang lugar at landslide sa Camarines Sur dahil sa epekto ng Bagyong Ramon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices, umabot na ang bilang ng mga evacuees sa mahigit 600 pamilya na mula sa mga bayan ng Pamplona, Tinambac, Calabanga, Canaman, Pasacao, Caramoan at Garchitorena.
Maliban sa naturang mga bayan, naitala rin ang malawakang pagbaha sa Libmanan, Magarao at ilan pang bahagi ng lalawigan.
Agad ding inilikas ang mga residente na nananatili sa mga lugar na may paguho ng lupa sa mga bayan ng Pasacao at Tinambac kung saan humigit kumulang sa 10 mga kabahayan at isang day care center ang napinsala habang maliliit na rockfall naman ang naitala sa bayan ng Sagnay.
Maliban dito, mahigit sa 30 pasahero rin ang stranded ngayon sa mga pantalan ng Pasacao at Tinambac.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Che Bermeo, ang head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa publiko na maging alerto at handa sa lahat ng oras para maiwasan ang anumang mga hindi inaasahang pangyayari.