CAUAYAN CITY –Labing walong pamilya na binubuo ng 80 indibidwal ang inilikas dahil sa pagbaha dulot ng pagtaas ng level ng tubig sa Sifu river sa Roxas, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Charlene Madla,residente ng Nuesa Roxas, Isabela Aid responder ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na bumaba na ng isang metro ang antas ng tubig sa Sifu River kaya’t itinigil na ang pagpapalikas sa mga residente.
Inihayag ni Madla na ang 18 pamilyang inilikas ay nananatili sa Roxas Astrodome at hindi pinapayagang bumalik sa kanilang tahanan dahil batay sa kanilang nakukuhang impormasyon patuloy ang pag-ulan sa Mountain Province at binibigyan na lamang ng mga pagkain ang mga evacuees.
Samantala, hindi na madaanan ang isang bahagi ng daan patungong barangay Malabbo, San Mariano, Isabela dahil sa pagguho ng lupa sa nasabing lugar.
Una rito ay umapaw ang tubig sa lagoon na nasa tabi ng Ethanol plant sanhi para unti unti nang bumigay ang lupa sa paligid ng lagoon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Frediemir Quitevis, hepe ng San Mariano, Isabela na sa kanilang pagtungo sa nabanggit na lugar ay nakitang hindi na madaanan ang nasabing barangay road.
Umabot sa 25-50 metro ang lalim na nilikha ng pagguho ng lupa
Nilagyan na rin nila ng barikada at warning device ang nasabing lugar upang walang magpumilit na dumaan sa nasabing daan.