(Update) BACOLOD CITY – Lomobo pa ang bilang ng mga residente sa ilang barangay sa Moises Padilla, Negros Occidental na napilitang lumikas upang hindi maipit sa bakbakan ng militar at New People’s Army (NPA) na nagsimula kahapon pa ng umaga.
Sa pinakahuling tala ng Moises Padilla Municipal Police Station, umabot na sa 2,000 ang mga evacuees na nananatili ngayon sa covered court ng Guinpanaan National High School – Magballo Extension.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa hepe na si Police Capt. Junjie Liba, may mga lumikas pa hanggang kagabi dahil sa takot na madamay sa paghahabulan ng mga sundalo at miyembro ng komunistang grupo.
Ang mga evacuees ay mula sa Barangay Guimpanaan, Montilla, Inolingan at Quintin Remo at karamihan sa mga ito ay kusang bumaba upang makaiwas na maipit sa labanan.
Una nang inihayag ni 303rd Infantry brigade commander Brig. Gen. Benedict Arevalo na isang sundalo ang sugatan kasunod nang sagupaan.
Sa ngayon, hindi pa pinahihintulutan ang mga residente na bumalik sa kanilang mga bahay dahil patuloy pa ang clearing operations.
Kahapon, hindi natuloy ang graduation ceremonies sa paaralan dahil sa takot ng mga residente.
Nabatid na nangyari ang labanan kasunod nang pagpatay ng mga nagpakilalang NPA members kay Moises Padilla Councilor Jolomar Hilario nitong Linggo ng umaga.