-- Advertisements --

Bubusisiin pa ng mabuti ng vaccine expert panel sa Pilipinas ang mga dokumento na magpapatunay na ligtas at epektibo ang Sputnik V mula Russia.

Sinabi ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development, na katatanggap lamang nila ng detalyadong report para sa phase 1 at 2 clinical trials ng nasabing bakuna.

Kasalukuyan na raw sumasailalim sa pag-aaral ang ibinigay na report ng Russia bago simulan ang phase 3 trials nito.

Ayon pa kay Montoya, inaasahan umano na sa susunod na linggo ay isasapubliko na ng mga eksperto ang kanilang magiging desisyon.

Paliwanag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario, may mga legal documents na lamang daw ang kailangang isapinal para sa trial, tulad na lamang ng disclosure agreements.

Kakailanganin din muna ng go-signal mula Food and Drug Administration (FDA) bago umpisahan ang human research trial sa mga Pilipino.

Aabot ng 1,000 malulusog na participants mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang sasalang sa phase 3 trial sa oras na maaprubahan na ito.

Ang phase 3 trial ang pinaka-kritikal na stage ng pagsusuri dahil libo-libong katao ang tuturukan ng bakuna para malaman kung magiging ligtas at epektibo ito sa isang indibidwal.

Kapag naging tagumpay ang nasabing stage ay saka lamang aaralin ng FDA ang bakuna bago gawin ang mass rollout.