CENTRAL MINDANAO-Pinabulaanan mismo ng mga residente ng Magsaysay Relocation Project Site na hindi sila pinapaalis ng City Government ng Kidapawan sa lugar na kanilang tinitirahan.
Sinabi ito ng mga residente na una ng nakatanggap ng notice mula sa city government na nag-aabiso sa kanila na tuparin ang kanilang kasunduang magbayad ng monthly amortization sa kanilang inuukupahang lote sa nabanggit na lugar.
Matatandaang naglabas kamakailan lang ng malisyoso at maituturing na ‘fake news’ ang Facebook account ng North Cotabato Daily na nagsasabing pinapalayas ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga residente ng lugar at upang makaligtas sila sa eviction ay kailangang pumunta kay dating City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista.
Hindi rin totoo, ayon pa sa mga residente na pinalalayas sila at kinakailangan nilang lumapit sa anak nitong si Atty. Evangelista na tumatakbong mayor ng lungsod sa May 9, 2022 elections, para mabigyan sila ng exemption sa eviction order umano ng alkalde.
Sa halip, sa City Planning and Development Office o CPDO sila pinapupunta, ayon sa notice upang mabigyan ng ‘flexibility’ sa kanilang babayaran.
Ibig sabihin, pwede nilang palawagin ang kanilang pagbabayad ng lampas sa deadline na January 10, 2022, ayon pa kay CPDO Head Engr. Divina Fuentes.
P500 kada buwan ang babayaran ng mga residente ng relocation site sa City Government sa loob ng 15 taon habang P340 naman kung pinili nila ang 10 taon na pagbabayad.
Nilinaw ni Engr. Fuentes na 50-50 o 50% ay libre at ang 50% ay babayaran sa NHA o counterpart o sa bayad kung kaya’t mahalaga ang pagtupad ng tungkulin ng bawat partido.
Gagamitin naman ang bayad ng mga homeowners bilang pondo para sa pagbili ng city government ng mga karagdagang lote para sa mga relocation sites sa hinaharap.
Wala ring nabigyan ng ano mang eviction order ang sinomang nakatira sa kanilang lote sa mga Relocation Sites ng lungsod, paglilinaw pa ng opisyal.
Abot naman sa 352 households ang mga occupants sa limang ektaryang loteng binili ng City government sa Barangay Magsaysay.
Sila ang mga naapektuhan ng ginawang circumferential road expansion at iba pang road projects ng City Government.