-- Advertisements --
Screenshot 2019 05 24 12 24 44
Ex-Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala

Naghain ng not guilty plea si dating Department of Agriculture (DA) Sec. Proceso Alcala sa Sandiganbayan kaugnay ng kanyang patung-patong na kasong katiwalian.

Nitong araw nang basahan ng sakdal ng 5th Division si Alcala dahil sa kasong kinasangkutan nito kaugnay ng cartel sa bawang mula noong 2010 hanggang 2014.

Hindi naman muna binasahan ng sakdal ang iba pang akusado dahil sa kanilang mga mosyon kontra sa kaso.

Bukod kay Alcala, nahaharap din sa parehong reklamo sina dating Bureau of Plant Industry director Clarito Baron, dating National Plant Quarantine Services (NPQS) Chief Luben Marasigan, kasalukuyang NPQC Chief Merle Palacpac, at ilang opisyal ng Vendors Association of the Philippines Inc.

Ayon sa reklamong inihain ng Ombudsman, pinaboran umano ng mga opisyal ang nabanggit na asosasyon nang mag-issue ang mga ito ng permit sa importasyon ng bawang sa kabila ng hinaharap nitong suspension order.

Nabatid din na itinalaga ni Alcala ang pinuno ng grupo na si Lilia Cruz bilang Chairperson ng National Garlic Action Team na siyang pinaniniwalaang mitsa ng pag-akyat sa P260 hanggang P400 kada kilo na presyo ng bawang sa mga pamilihan mula sa dating P165 hanggang P170 na presyo kada kilo.