BACOLOD CITY—Inalala ng isang Bacoleño director ang naging papel ng pumanaw na batikang direktor na si Peque Gallaga sa paghanas ng talento nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Barney Molina, inihayag nito na malaki ang kanyang utang na loob kay Gallaga na nagbigay sa kanya ng malaking break sa pagiging isang direktor.
Ayon kay Molina, 1980s nang nagsimula silang magsama sa paggawa ng ilang pelikula matapos siyang kunin bilang assistant director ni Gallaga.
Hindi aniya nagdadalawang-isip si Gallaga sa pagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Nagpapasalamat din ito sa pagkakataon na nakapunta siya sa isinagawang tribute kay Gallaga noong nakaraang buwan kung saan nakapasalamat ito ng personal sa nasabing direktor.
Ang 76-anyos na si Gallaga ay pumunaw sa isang ospital sa lungsod ng Bacolod dahil sa pneumonia kahapon ng tanghali.
Si Peque ay kilala sa kanyang film classic na Oro Plata Mata noong 1982.
Kabilang din sa ibang pelikula nito ay ang “Scorpio Nights,” “Magic Temple,” “Shake, Rattle and Roll films”, at “Magic Kingdom.”