Kaliwa’t kanan agad ang pagbuhos ng pakikiramay partikular sa global cricket community, matapos mapaulat ang pagkamatay ng dating cricket star sa Australia na si Andrew Symonds.
Ayon sa mga otoridad, nasawi ang 46-anyos na atleta sa isang single-vehicle car crash sa North Queensland nitong Sabado ng gabi.
Nagmamaneho umano ang biktima sa labas ng Townsville City kung saan siya naninirahan mula nang magretiro sa cricket na isang bat-and-ball game.
Dagdag ng pulisya, malapit sa Alice River Bridge si Symonds nang bumaligtad ang sasakyan nito.
Bagama’t mabilis na nakaresponde ang emergency service workers, bigo ang mga ito na ma-revive pa ang buhay dating atleta.
Si Symonds ay nanalo sa dalawang Cricket World Cups.
Kabilang sa mga unang nagpaabot ng mensahe ng pagkalungkot at panghihinayang ay ang dating teammate nito na si Adam Gilchrist, gayundin ang dating Australian Test captain na si Mark Taylor, dating English test captain Michael Vaughan, at dating fast bowler/commentator na si Damien Fleming. (ABC)