Nagpahiwatig umano si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na gusto na niyang sumuko noong nasa Indonesia pa siya ayon kay Bureau of Immigration Fugitive Serach Unit chief Rendel Ryan Sy.
Kinumpirma naman ito ni Guo nang iturn-over siya ng mga Indonesian authorities sa mga opisyal ng Pilipinas noong Huwebes, Setyembre 5.
Inilahad din ng BI official na may kumontak sa kaniya noong nasa Jakarta sila at inihayag na gusto na ni Alice Guo na sumuko subalit naputol umano ang kanilang komunikasyon.
Matatandaan na unang sinabi ni Atty. Stephen David, ang legal counsel ni Guo na ang banta sa buhay ng dating alkalde ang dahilan kung bakit hindi ito sumuko sa mga awtoridad noong nandito siya sa Pilipinas bago pumuslit patungo sa iba’t ibang mga bansa.
Sa ngayon, maliban sa misrepresentation pinag-aaralan na rin ng Immigration bureau ang iba pang kasong kriminal na maaaring isampa laban sa sinibak na alkalde bago maihain ang deportation case.
Kasalukuyan ding nahaharap si Guo sa 87 bilang ng money laundering at human trafficking complaint may kinalaman sa sinalakay na POGO hub sa Bamban.
May standing arrest warrant din ito sa Tarlac court para sa kasong graft gayundin may inihaing petition para kanselahin ang kaniyang birth certificate. Liban pa dito may quo warranto petition ding inihain laban sa kaniya sa korte sa Maynila