LEGAZPI CITY – Ikinalungkot subalit kinondena ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicol ang pagkakaaresto sa dating tauhan sa buy-bust operation sa Barangay Pigcale sa lungsod ng Legazpi.
Huli si dating JO1 Reynante Dayto, 45-anyos, na itinuturing na Rank No. 10 sa Drug Watch-listed Personalities ng Legazpi City PNP at kabilang rin sa President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) Watch-Listed Personality.
Ayon kay BJMP Bicol spokesperson JS/Insp. Joseph Lucila sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bago pa man natanggal sa serbisyo si Dayto, nakakatanggap na sila ng impormasyon sa pagsangkot nito sa iligal na aktibidad.
Higit limang taon rin ang itinagal sa serbisyo ni Dayto subalit natanggal sa madalas na pagliban mula pa noong 2015.
Noong Marso 2015 naman nang umapela ito ng motion for reconsideration sa desisyon ng BJMP.
Hindi rin kinatigan ang apela nito matapos na magpositibo sa paggamit ng iligal na droga nang isailalim sa random drug test.
Samantala, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit matapos marekober ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu, buy-bust money at ilan pang pekeng pera.