BUTUAN CITY – Labis ang kaligayahan ng isang dating boksingero na taga Malongon, Saranggani Province, matapos masundo ng kanyang kaanak na taga-Butuan City sa tulong ng Bombo Radyo Butuan.
Ayon kay Joshua Ontik, 59-anyos, pinadalhan siya ng pamasahe ng kanyang pamangking si April Rose Ontik upang lumuwas ng Butuan kung saan napagkasunduan nilang magkikita lamang sa isang mall nitong lungsod.
Ngunit simula alas-10:00 ng umaga nang makarating ito sa mall hanggang sa pagsapit ng gabi ay hindi pa rin sila nagkita sa kanyang pamangkin.
Dahil walang contact, patuloy itong naghihintay sa harapan ng mall hanggang sa may nakapansin sa kanya at tinulungan siyang makapunta ng Bombo Radyo upang manawagan.
Umabot lang ng 30 minuto matapos manawagan ay agad na itong nasundo ng kanyang pamangkin na taga-Barangay Bancasi lamang pala, ang sunod na barangay kung saan nakatayo ang Bombo Radyo.
Laking pasasalamat ang binitawan ng magtiyo na naging daan sa kanilang pagtagpo ang Bombo Radyo lalo na’t umaga pa rin pala nang sunduin ni April Rose ang kanyang tiyuhin ngunit hindi niya nahagilap.