LEGAZPI CITY - Matagumpay na naisagawa ng mga otoridad ang anti-illegal drugs operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang dating punong barangay sa Pandan, Catanduanes.
Kinilala itong si Alexander Lopez, 46, at residente ng Brgy. Canlubi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Roderick Bino, hepe ng Pandan MPS, matagal na umanong nasa ilalim ng surveillance ang suspek na itinuturing na high value target.
Una na rin itong sumuko at sumailalim pa sa rehabilitation program ng pamahalaan.
Subalit batay sa monitoring, bumalik ito sa pagbebenta ng iligal na droga kaya’t isinagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Lopez.
Nakumpiska pa mula rito ang 37 sachet ng pinaniniwalaang shabu na may market value na P50,000 at caliber .38 revolver na may tatlong bala.
Nabatid na kabilang rin ang suspek sa President Rodrigo Roa Duterte drugs watchlist.
Inihahanda na rin sa ngayon ang karampatang kasong isasampa laban sa suspek.