-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Dead on the spot ang dating barangay chairman ng Brgy. San Mariano, Lal-lo matapos pagbabarilin ng riding in tandem suspects.

Ayon kay M/Sgt. Gilbert Columna ng PNP Lal-lo, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima na si Mauro Malagyab, 49, kasama ang kanyang dalawang anak na 12-anyos at walong taong gulang at papunta sila sa eskwelahan ng mga bata.

Ngunit, ilang metro bago sa eskwelahan ay dumating ang dalawang suspek na lulan din ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Nagtamo ng dalawang tama ng calibre .45 na baril ang biktima sa kanyang tagiliran na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nadaplisan naman ang 12-anyos na anak na nasa maayos nang kalagayan habang maswerte naman walang tinamong sugat ang isa pang anak.

Samantala, batay naman sa salaysay ng asawa ng biktima sa kapulisan na noon ay kabababa lamang sa motorsiklo ng biktima, nakasuot ng jacket ang dalawang suspek ngunit dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi niya namukhaan ang mga salarin.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa pamamaril at agarang pagkahuli sa mga suspek.