Sinalakay ng National Bureau of Investigation ang pinaghihinalaang hideouts ni dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag na itinuturong umano’y utak sa pagpatay ng mamamahayag na si Percy Lapid sa Laguna at Caloocan City para isilbi ang arrest warrant laban sa kaniya.
Subalit hindi nakita ang dating BuCor chief sa parehong bahay nito sa nasabing mga lugar.
Isinagawa nga ng NBI ang naturang raid matapos na makatanggap ng impormasyon na namataan umano si Bantag sa lugar mula sa kanilang sources. Sinabi umano ng mga kapitbahay sa mga NBI agents na napansin nilang may pumasok sa nasabing mga bahay subalit agad ding umalis ang mga biktima.
Sa isang posibleng hideout ni Bantag sa Santa Rosa, Laguna, gumamit ang NBI ng sledgehammer para mapasok ang bahay.
Subalit wala taong nakita sa loob ng bahay matapos ang ilang minuto nilang paggalugad subalit natagpuan ng mga operatiba ang 9 na bala sa loob ng bahay na mayroong petsa na Abril 2.
Samantala, bagamat hindi din nakita si bantag sa bahay doon sa Caloocan, narekober naman ng mga operatiba ang ilang kalibre ng baril at personal na gamit na pinaniniwalaang pagmamay-ari ni Bantag.
Sa ngayon nagpapatuloy ang manhunt operation laban kay Bantag.
Una na ngang inisyuhan ng Muntinlupa court at Las Pinas court ng arrest warrants sina Bantag kasama si yumaong dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta noong Abril 2023 na kapwa nahaharap sa 2 bilang ng murder kaugnay sa pagpaslang kay Lapid at umano’y middleman at Bilibid inmate na si Jun Villamor.