Nakakatanggap umano si dating Bureu of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos ng pagbabanta sa kaniyang buhay matapos ang recantation o pagbawi nito sa kaniyang naunang testimoniya kaugnay sa kasong illegal drug trade ni dating Senator Leila de Lima.
Ito ang naging rebelasyon ni Ragos nang muli itong humarap bilang testigo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa drug case ni De Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204.
Sinabi din ni Ragos na isa ito sa dahilan kung bakit napilitan siya noong magsinungaling sa korte kaugnay sa kaso ni De Lima.
Hindi naman na pinangalanan ni Ragos ang nasa likod ng pagbabanta sa kaniya.
Una ng ibinunyag ni Ragos na pinuwersa lamang siya ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre III noong 2015 para lumagda sa isang affidavit na nag-aakusa kay De Lima at sa dating security aide nito a si Ronnie Dayan na sangkot sa illigal drugs trade.
Pagsisiwalat pa nito na dalawang abogado mula a Public Attorney’s Office (PAO) ang isa sa mga bumalangkas ng nasabing affidavit.
Bunsod ng mga rebelasyon ni Ragos, sinabi ng abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon na pinaplano nilang maghain ng petisyon para sa pagpiyansa ni Ragos matapos ang pag-testimoniya nito.