LAPU-LAPU CITY – Patay ang isang businessman matapos umanong nagbaril sa sarili sa loob mismo ng kanyang sasakyan habang nasa Marcelo Fernan Bridge sa Barangay Pusok, Lapu-Lapu City sa Cebu kaninang madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Ronald Degamo Tacgos, 40-anyos na dating negosyante.
Isinalaysay ni Police Master Sergeant Mary Jane Legara, imbestigador ng Lapu-Lapu City Police Station 5, na may dating negosyo ang biktima ngunit na bankrupt diumano dahil sa adiksyon nito sa sugal.
Ayon kay Legara, may nakuha silang suicide note kung saan nakasulat ang malaking pagkakadismaya nito sa kanyang mga magulang matapos na hindi pinahiram ng pera.
Ssinasabing may depresyon ang biktima dahil sa pagkakaroon ng utang at problema sa pamilya.
Sinangla na rin daw ng biktima ang bahay nito sa bangko na nagkakahalaga ng P5 million at binayaran ang kanyang kapatid.
Nabatid na galing pa ito sa casino kagabi bago nangyari ang pagpapatiwakal.
Narekober ng pulisya ang .38 caliber pistol sa loob ng sasakyan na pinaniniwalaang ginamit sa pagpakamatay nito at nakitang may tama ito sa kanyang kanang dibdib.