Nanumpa na bilang bagong associate justice ng Korte Suprema si dating Court of Appeals (CA) Justice Amy Lazaro-Javier.
Nanumpa si Javier sa harap ni Chief Justice Lucas Bersamin.
Kabilang naman sa mga dumalo sa oath taking ceremony ang mga dating kasamahan ni Javier sa Office of the Solicitor General (OSG) kung saan siya nag-umpisa bilang trial attorney at kalaunan bilang assistant solicitor general.
Una nang sinabi ni Javier sa public interview sa kanya ng Judicial and Bar Council (JBC) noong 2018 na naniniwala siyang hindi kalaban ng mga kababaihan si Duterte.
Samantala, nagbalik Korte Suprema ang pinalitan ni Javier sa pwesto na si retired Supreme Court (SC) Justice Noel Tijam para manumpa naman bilang bagong miyembro ng JBC.
Si Tijam ay itinalaga bilang kinatawan ng academe sa JBC na sumasala sa mga nominado sa hudikatura at Office of the Ombudsman.
Siya ay Professional Lecturer II ng Remedial Law sa Philippine Judicial Academy.
Pero dadaan pa sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga kay Tijam bilang JBC member.