Ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tinangka ng isang dating Cabinet official na mamagitan para bigyan ng gaming license ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ni-raid kamakailan at natuklasang sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Subalit hindi pinangalanan ng ahensiya ang dating opisyal kundi sinabi lang nito na dating miyembro ng Gabinete.
Nakatakda namang pangalanan umano ng PAGCOR chief sa proper forum ang pagkakakilanlan ng dating Cabinet member na naglolobi o gumagamit ng salapi upang ma-impluwensiyahan ang pamahalaan para sa operasyon ng ilegal na POGO gayundin ang mga pangyayari na humantong sa paglaganap ng ilegal at criminal offshore gaming operations.
Kaugnay nito sinabi ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco na dapat ding imbestigahan ng mga awtoridad ang papel ng dating mga opisyal sa pagbibigay ng mga lisensiya sa POGO applicants na mayroong kaduda-dudang backgrounds.
Bilang regulator naman, iginiit ng opisyal na mandato nilang tiyakin na tanging ang may valid na lisensiya lamang ang papayagang mag-operate ng gambling at gaming activities.