LEGAZPI CITY – Inihahanda na sa kasalukuyan ng Manito Municipal Police Station sa Albay ang kasong frustrated murder laban sa isang aktibong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos na barilin ang dating miyembro.
Sugatan sa insidente si Michael Del Castillo, 33, residente ng Barangay It-Ba sa naturang bayan habang kinilala naman ang suspek na si Randy Daep, 27, kasalukuyang nakadestino sa 31st Infantry Batallion ng Philippine Army sa Brgy. San Francisco sa lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCpt. Nathaniel Jacob, hepe ng Manito PNP, nag-iinuman ang dalawa sa isang tindahan sa lugar nang maungkat ang dati nang away ng mga ito.
Nabatid na isa si Del Castillo sa mga isinasangkot sa pamamaril noon sa kapatid ni Daep na paulit-ulit namang itinatanggi ng biktima.
Nang makulitan si Daep sa takbo ng mga pangyayari, bumunot ito ng baril at ipinutok sa biktima habang itinapon pa hindi kalayuan sa lugar ang armas.
Sa detachment commander nito, nagtungo umano si Daep at kusang sumuko na tumawag naman sa pulis kaya’t inaresto ang suspek.
Samantala, nananatili pa sa pagamutan si Del Castillo na nakatakdang operahan matapos na magtamo ng tama sa leeg subalit hindi tumagos ang bala.
Hiling naman ng hepe sa mga nakakita sa pangyayari na ilahad ang detalye sa pulisya na nagsasagawa ng follow-up investigation sa kasalukuyan upang mabatid ang kabuuang kwento.