NAGA CITY – Patay na ng matagpuan si dating Camarines Sur 4th District Representative Rolando “Nonoy” Andaya Jr., 53, residente ng Saint Jude Orchard, Concepcion Grande, Naga City.
Ito rin mismo ang kinumpirmang mga anak ng biktima sa pamamagitan ng Facebook post.
Gayunman hindi binanggit ng mga ito kung ano ang ikinamatay ng ama.
Nanawagan din sila ng panalangin at bigyan din sila ng pagkakataon na pribadong ipagluksa ang naturang pangyayari.
“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father, former member of the House of Representatives, Rolando “Nonoy” G. Andaya, Jr., this morning, June 30, 2022. We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss. Thank you very much,” bahagi ng statement nina Ranton at Katrina M. Andaya.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, nabatid na nakarinig na lamang ng putok ng baril ang personal assistant nito na si John Mark Patrick Señar kung saan pagpasok nito sa loob ng kwarto ng opisyal, dito na tumambad na nakabulagta ang katawan ni Andaya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng kaniyang ulo ang biktima.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.
Kung maalala nagsilbi ring Budget secretary si Andaya noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.