-- Advertisements --
Bishop oscar cruz
Archbishop Emeritus Oscar Cruz

(Update) Pumanaw na ang isa sa mga lider ng simbahang Katolika na si Archbishop Oscar Cruz dahil sa COVID-19 na naging kilala sa kanyang adbokasiya sa paglaban sa iligal na pasugalan lalo na ang jueteng.

Kinumpirma ng CBCP news na binawian ng buhay ang archbishop emeritus ng Lingayen-Dagupan dakong alas-6:45 ng umaga kanina sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.

Siya ay 85-anyos.

Kinumpirma naman ni Archbishop Socrates “Soc” Villegas ng Lingayen-Dagupan na namatay si Cruz dahil sa “multiple organ failure” bunsod ng “critical Covid-19 infection.”

Sinasabing noong Agosto 10 ay dinala si Cruz sa ospital dahil sa paglala ng kanyang pneumonia na nakuha niya mula pa noong taong 2018.

Dahil sa umiiral na mga health protocols, ang labi ni Cruz ay agad na iki-cremate at saka dadalhin sa Cathedral of Saint John the Evangelist sa Dagupan City.

Samantala, nagpaalala naman si Villegas doon sa gustong bumisita sa burol ni Cruz na ito ay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi sa araw ng Huwebes, Agosto 27.

Ang funeral mass naman ay itinakda sa Biyernes alas-9:00 ng umaga doon din sa cathedral.

Ilalagak ang labi ni Cruz sa Santuario de San Juan de Evangelista matapos ang funeral Mass.

Si Cruz ang ikatlong Filipino bishop na dinapuan ng coronavirus.

Una rito, tinamaan din ng virus sina Bishop Broderick Pabillo, ang apostolic administrator ng Manila archdiocese at si Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez ng Kalookan.

Kung maalala si Bishop Cruz ay naging kilala sa buong bansa dahil sa kanyang walang takot na kampanya laban sa illegal gambling lalo na ang operasyon ng jueteng.

Tinukoy din niya ang paglaganap ng jueteng dahil sa regular na payola na ibinibigay sa mga pulis at politiko kapalit ng umano’y “proteksiyon.”

archbishop oscar cruz

Maging ang pagpapatakbo ng gobyerno ng small town lottery (STL) ay tinuligsa rin ng obispo bunsod na “cover-up” lamang daw ito sa jueteng.

Upang pag-ibayuhin pa ang kanyang kampanya at adbokasiya, itinatag ni Cruz ang Krusada ng Bayan Laban sa Jueteng noong 2004.

Ang kanyang mga pagbubulgar ay umabot pa ang imbestigasyon sa Kongreso.

Maging ang ilang pag-abuso sa simbahan ay hindi rin sinasanto ni Cruz nang punahin niya noon ang isyu sa pinansiyal na problema at iskandalo sa sex abuse.

Si Cruz ay kilala rin bilang kritiko ng mga nagdaang administrasyon sa ilalim ng pamumuno nina dating Pangulong Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at maging si dating first gentleman Jose Miguel Arroyo, Benigno Aquino III at si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang obispo ay ipinanganak noong November 17, 1934 sa Balanga, Bataan.

Tinanggap nya ang kaniyang seminary training sa University of Santo Tomas Central Seminary at theology studies sa Lateran University.

Inordinahan ang kaniyang pagkapari noong February 8, 1962 at episcopal consecration naman noong May 3, 1976.

Siya ang kauna-unahang Filipino rector ng San Carlos Seminary ng Archdiocese of Manila mula 1973 hanggang 1978.

Nagsilbi siya bilang auxiliary bishop ng Maynila (1976–1978) at arsobispo ng Archdiocese of San Fernando (1978–1988).

Naging judicial vicar din siya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) National Tribunal of Appeals at director ng CBCP Legal Office.

Naging presidente naman siya ng CBCP sa pagitan ng taong 1991 hanggang 2009.

Itinalaga ito bilang archbishop of Lingayen-Dagupan noong July 15, 1991.

OScar cruz jueteng 1
Bishop Oscar Cruz during a Senate inquiry

Habang sumunod sa kanyang pwesto bilang Lingayen-Dagupan archbishop ay si Archbishop Villegas.

Naglabas din ng maraming libro si Cruz na umaabot sa 54 kabilang ang kanyang sinulat na, “CBCP Guidelines on Sexual Abuse and Misconduct: A Critique, and Call of the Laity.”

Sinasabing kahit nagretiro na ito sa edad na 75, nanatili pa rin si Cruz bilang judicial vicar ng CBCP National Appelate Tribunal of Appeals at director ng Legal Office dahil sa pagiging eksperto nito sa Canon Law.